
Pinahabang Paghihintay
Mga Kuwento ng Magsasakang Pilipino
Kung sa pangkalahatan dito sa aming organisasyon sa Banasi, ang unang kailangan naming magsasaka dito ay binhing palay at seeds ng high value crops. Isama na rin ang irigasyon dahil karamihan sa amin ay hindi inaabot ng patubig galing sa ilog, umaasa lang po kami sa ulan. Isa pa pong pinaka-kailangan namin dito sa Banasi ay machinery kagaya po ng rotavator at traktora kasi unang-una, ang laki ng gastos sa land preparation tapos pagdating ng oras, sasabayan pa ng bagyo, mahal na medisina at mababang presyo ng inani. Yun po ang problema ng mga magsasaka ngayon.
Gregorio Robosa Ibasco, BANASI Young Farmers Association
Bakit Nahuhuli at Pumipili ang Ayuda?
Si Greg Robosa Ibasco ay isang 31 na taong gulang na magsasaka mula sa Banasi Pawili, Bula, Camarines Sur. Sa kasalukuyan, siya ay isang miyembro ng Banasi Farmers Association at ng PAMANAKA-PAKISAMA.
Ibinahagi niya ang kanyang mga saloobin ukol sa Rice Tariffication Law na nagdudulot ng malaking kawalan sa mga magsasaka ng palay tulad niya. Para sa kanya, prayoridad dapat ng ating mga batas ang ating mga magsasakang Pilipino upang mas mapatibay ang suporta sa kanilang mga kabuhayan at sa buong sektor ng agrikultura ng Pilipinas.
Higit pa sa probisyon ng mga kinakailangang input sa tamang oras, umaasa siya na mabago rin ang klaseng binhi na ibinibigay ng gobyerno sa kanila. Nais sana niyang makakuha ng organic na binhi upang maiwasan ang pagdagdag ng abono na kinakailangan tuwing sila ay magtatanim. Ayon sa kanya, ang kasalukuyang ipinamimigay na binhi kasi ay nagdudulot ng pagka-acidic ng lupa kaya tumataas lalo ang gastusin para sa mga sakahan. Sa pamamagitan nito, sinasabi niya na pangmatagalang solusyon ito para sa kani-kanilang lupa.
Nais sana niyang makapagbigay ang gobyerno ng karagdagang pagkakataon na maging parte ang mga magsasakang tulad niya sa kanilang mga proyekto, lalo na sa mga kwalipikadong magsasaka na nangangailangan ng mga kagamitan at makinarya sa pang araw-araw na trabaho. Bagaman mayroong mga ibang ayuda na binibigay ang gobyerno sa magsasaka katulad ng tulong pinansyal, hindi lahat ay nakatatanggap nito dahil limitado lang ito sa mga magsasakang may lupa na ‘di lalagpas sa isang ektarya. Ayon kay Sir Greg, “Ganun talaga siguro ang kwalipikasyon nila para mabigyan ng ayuda, although lahat naman tinamaan ng bagyo, tinatamaan ng pandemic ngayon.”
Sa kabila ng mga kahirapang ito, ang pangunahing hamon pa rin ng agrikulturang sektor, ayon sa kanya, ay ang pagbaba sa bilang ng mga magsasaka. “Parang wala ng puso sa pagsasaka”, ayon sa karamihan ng kabataang nakakausap ni Sir Greg. Sa kabila ng ganitong pananaw sa agrikulturang sektor ng bansa, nananatili pa rin siya bilang isang magsasaka. “Balibaliktarin ang mundo kahit magtrabaho tayo sa pagsasaka pa rin ang babalikan natin, eh kahit mag-empleyado kaunting sahod tapos kapag napagod, dun pa rin naman sa pagsasaka ang balik eh. Tsaka talagang pagsasaka naman, yun naman talaga ang ikinabubuhay ng pamilya—ang pagkain.”

...Hindi binibigyan ng halaga ang agrikultura sa bansa. Kaming magsasaka ay nahihirapan kung babalik kami o hindi... Madaming mga magsasaka ang lugi nakukuha, di nababalik ang kapital.
MaryJoy Sinfuego, BANASI Young Farmers Association
Ang Kumikinang na Edukasyon sa Kabila ng mga Hamon
Si MaryJoy Sinfuego ay isang 21 na taong gulang na estudyanteng nag-aaral ng agri-business mula sa Banasi Pawili, Bula, Camarines Sur. Habang kasalukuyang nasa kanyang ikatatlong taon ng kolehiyo, tumutulong din siya sa samahan nila upang matutunan ang mga kinakailangang gawin sa pagsasaka.
Pagkatapos ng nagdaang mga bagyo sa kanilang lugar, nais sana nila makabawi sa puhunan upang makabangon muli sa malaking sakuna na iniwan ng malalakas na hangin at ulan.
Kahit na nabigyan sila ng ayuda mula sa kanilang lokal na pamahalaan tulad ng kaunting badyet, ibinahagi niya na hindi pa rin sapat ang binibigay na halaga ng gobyerno sa agrikultura ng bansa. Dahil dito, nahihirapan ang ibang mga magsasaka sa pagdedesisyon kung babalik pa sila o hindi sa kanilang mga trabaho.
Lalo na’t mayroong pandemya, mas lalong nahihirapan ang mga magsasaka sa mga pinansyal na pangangailangan, at nalulugi na lamang sila sa kanilang mga naaani. Bukod dito, isa sa mga malaking hamon na nakikita niyang kasalukuyang hinaharap ng mga magsasaka ay ang pagbabago ng panahon at kakulangan sa tubig para sa mga pananim.
Sa kabila ng mga nakikita niyang problema sa sektor ng agrikultura, pinipili niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kursong agribusiness dahil nais sana niyang matulungan ang kanyang ama sa pagsasaka pagkatapos ng kolehiyo.

